38 total views
Itinalaga ng Archdiocese of Manila si Fr. Roy Bellen bilang bagong Pangulo at Chief Executive Officer (CEO) ng Radyo Veritas, ang pangunahing Katolikong himpilan ng radyo sa bansa.
Ayon sa inilabas na kautusan na nilagdaan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, ito ay bilang bahagi ng patuloy na misyon ng Simbahang Katolika na palakasin ang gawaing ebanghelisasyon sa makabagong panahon.
“In our earnest desire to sustain the ongoing evangelization programs of the Church in keeping with the demands of the times and needs of the People of God and cognizant of the power of all the means of social communications for the mission of new evangelization.”
Ang kautusan ay epektibo simula ngayong May 3.
Si Fr. Bellen ang humalili kay Fr. Anton C.T. Pascual na nagsilbi sa loob ng dalawampung taon bilang pangulo ng Radyo Veritas. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, naging matatag ang istasyon bilang tinig ng pananampalataya, katotohanan, at pag-asa para sa milyun-milyong Pilipino sa loob at labas ng bansa.
Nanawagan ang pamunuan ng Radyo Veritas sa mga mananampalataya na ipagdasal ang bagong liderato at patuloy na suportahan ang mga programa ng istasyon bilang ambag sa misyon ng Simbahan at paglilingkod sa sambayanang Pilipino.
Ayon sa pahayag ni Fr. Bellen, binigyan diin niya ang kahalagahan ng patuloy na paggamit ng makabagong teknolohiya upang maipahayag ang Ebanghelyo sa mas maraming Pilipino, lalo na sa mga kabataan at nasa laylayan ng lipunan.
Aniya, nakatuon ang kanyang pamumuno sa paglinang ng mas makabuluhang faith-based content, pagpapalawak ng digital presence ng himpilan, at pagpapatatag ng ugnayan ng Radyo Veritas sa mga diyosesis, parokya, at mga organisasyon ng simbahan sa buong bansa.
Ang 46-taong gulang na Bicolanong pari ay kasalukuyang Vice President for Operations ng Radyo Veritas, director ng Archdiocese of Manila Office of Communications, at Vice President for Operations ng TV Maria.
Siya ay naordinahan bilang pari ng Archdiocese of Manila noong 2006 ni dating Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales.
Bago pa man italaga sa Radyo Veritas noong 2015, nag-aral siya ng Institutional Communications sa Pontifical University of the Holy Cross sa Roma.
BASAHIN: God father of Church Cooperatives, nagretirong pangulo ng Radyo Veritas