278 total views
May mga bahagi sa kasaysayan ng bansa na hindi dapat na makalimutan ng mamamayan na nagsisilbing aral na hindi na muling maulit pa.
Ito ang reaksyon ni Rev. Fr. Larry Faraon, dating Station Manager ng Radio Veritas noong panahon ng Martial Law sa naging pahayag ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos na dapat mag-move on’ na ang mamamayang Filipino mula sa mga naganap noong panahon ng batas militar.
Ayon sa Pari, may mga yugto sa kasaysayan ng bayan ang nararapat na iwanan upang ganap na makapaghilom mula sa madilim na nakaraan pero hindi maaring kalimutan ang mahalagang bahagi nito sa buhay ng mga Filipino.
“May mga bahagi ng kasaysayan na puwede nating iwanan na muna at meron namang bahagi ng kasaysayan na gawin nating lesson, leksyon, I think siguro sa mga Millennial ito rin ay lesson ang history dun sa mga inabutan yung Martial Law siguro it’s a time for healing also, healing and move on pero we will never forget history because Dynamic ang history…” pahayag ni Father Faraon sa panayam sa Radyo Veritas.
Iginiit naman ng Pari na tungkulin ng pamahalaan na maisiwalat at mabawi ang mga tinaguriang ill-gotten wealth ng pamilya Marcos.
“That is the work of the Government, marami ng Gobyerno ang nagdaan dyan panahon pa ni Cory Aquino naibalik na yung iba naman ay hindi na maibalik balik hanggang sa ngayon but you know kaya lang mabagal yung Gobyerno natin wala tayong magawa, I think it is the role of the Government now to make sure na maibalik yung mga dapat na maibalik…” Dagdag pa ni Father Faraon.
Sa pagsisiyasat naman ng Office of the Ombudsman noong 1988, nasa 100 milyong kada araw ang nawawala sa pera na bayan dahil sa laganap na korupsiyon.
Nabatid na noong panahon ng Martial Law, 5 hanggang 10-bilyong dolyar ang sinasabing nakuhang yaman ng pamilya Marcos sa pamahalaan na naitala sa Guinness Book of World Record bilang “The Biggest Robbery”.
Sa pagtataya ng Presidential Commission on Good Governance (PCGG) mula 5 hanggang 10- Bilyong dolyar na sinasabing ill gotten wealth ng pamilya Marcos kung saan 3.7 bilyong dolyar pa lamang ang na-recover ng kumisyon.
Si Fr. Larry Faraon ang dating Station Manager ng Radio Veritas noong panahon ng Martial Law, ang himpilan na ginamit na daan ni dating Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin upang manawagan sa mga mamamayan na magpunta sa EDSA na nagsimula sa isang mapayapang People Power Revolution na naging inspirasyon sa iba’t ibang bansa.