804 total views
Sa pahayag ni Rev. Fr. Andrei Ventanilla, ang Assistant Chairman ng Commission on Youth at nagsisilbing Private Secretary to the Archbishop of Cebu, mahalagang malalaman ng mga kabataan ang kanilang tungkulin bilang mananampalatayang Katoliko.
“Ma-emphasize natin ang malaking role ng mga kabataan especially that our youth comprises a big sector in our society,” pahayag ni Fr. Vantanilla sa Radio Veritas.
Ang pahayag ng pari ay kaugnay sa nalalapit na pagdiriwang ng National Youth Day na gaganapin sa Arkidiyosesis ng Cebu sa susunod na taon.
Ipinaliwanag ni Father Ventanilla na kabilang sa mga ginagawa ng Simbahan para sa mga kabataan ang pagbibigay ng formation upang mauunawaan ng kabataan na hindi lamang sila bahagi ng Simbahan kundi sila mismo ang bumubuo sa Simbahan.
“Inspite for their being young, they have a great role to possess here for the formation and progress of our Church,” ani ni Fr. Ventanilla.
PAGHAHANDA SA NATIONAL YOUTH DAY 2019
Dahil dito, puspusan ang paghahanda ng Arkidiyosesis sa nakatakdang National Youth Day sa ika – 24 hanggang ika – 28 ng Abril 2019 kung saan ito ang kauna-unahang pagkakataon na gaganapin sa Cebu City simula nang mailunsad ang NYD noong 1986.
Ayon kay Fr. Ventanilla patuloy ang kanilang pagtanggap ng mga kabataang magpatala at nagnanais dumalo sa malaking pagtitipon ng mga kabataan sa bansa.
Bukod dito, nakipagpulong na rin ang mga organizers sa iba’t ibang mga sektor sa lalawigan partikular sa mga parokyang maging bahagi sa pagtanggap sa inaasahang 15, 000 delegado mula sa 86 na mga diyosesis sa Pilipinas.
Nakipag-ugnayan na rin ito sa mga lokal na pamahalaan sa Cebu para sa pagtiyak ng kaligtasan ng bawat delegado.
Paalala rin ng Pari sa mga nagnanais makiisa na ang pagpapatala ay hanggang sa ika – 8 ng Disyembre 2018 at makipag-ugnayan sa mga youth council sa bawat diocese para sa mga karagdagang detalye.
Sa kasalukuyan mayroon nang mahigit sa 11, 000 ang nagpatala.
YEAR OF THE YOUTH
Ibinahagi rin ni Fr. Ventanilla na ang NYD ay ginagawa tuwing natatapos ang World Youth Day upang ibahagi sa kapwa kabataan ang mensahe ng ating Inang Simbahan sa mga hindi makadadalo sa pandaigdigang pagtitipon ng mga kabataan kung saan sa 2019 gaganapin ito sa ika – 22 hanggang ika – 27 ng Enero sa bansang Panama.
Makahulugan at makasaysayan din ang NYD sa susunod na taon lalu’t katatapos lamang na Synod of Bishops sa Roma kung saan tinatalakay dito ang iba’t ibang mga usapin na nakatuon sa mga kabataan habang ipagdiriwang naman ng Simbahan sa Pilipinas ang “Year of the Youth” bilang paghahanda sa ika – 500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Kaugnay nito, hinikayat ng Simbahan ang mga kabataan na aktibong isulong at maging tagapagtaguyod sa katuruan ng Simbahan gamit ang makabagong teknolohiya.
Sa tala, mula sa higit 80 milyong katoliko sa buong Pilipinas ay 20-porsiyento rito ang bilang ng mga kabataan na nasa edad 15 hanggang 24.