345 total views
Nananatiling malawak na mga usapin ng pamamalakad sa bansa ang hindi nabibigyang pansin ng mga kandidato partikular na sa pagkapangulo.
Pagbabahagi ni UP Professor Leonor Briones–dating National Treasurer at Lead Convenor ng Social Watch Philippines, nananatiling walang inihahayag na posisyon ang mga kandidato sa pagkapangulo kaugnay ng ilang mahahalagang usapin tulad ng international at global issues sa kasalukuyan.
“Wala pa nga tayong nakikita na anong paninindigan nila sa mga international issues ngayon, aside from the domestic problems mayroong International at Global Problems tayo may sarili tayo regional problems hinggil sa relasyon natin sa China, so yan hahanapin pa natin yan sa future debates..” Ang bahagi ng pahayag ni UP Professor Briones, sa panayam sa Radio Veritas.
Paliwanag ni Briones, hindi biro ang pagbibigay pansin sa mga ganitong usapin lalo’t malawak ang pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa mga karatig bansa bukod pa sa malaking bilang ng mga Filipinong manggagawa o Overseas Filipino Workers sa iba’t ibang bansa.
Giit pa ni Briones, mahalagang maging mapanuri ang mga mamamayan ngayong darating na halalan sapagkat maituturing na kritikal para sa kapakanan ng buong bayan ang muling pagbabago ng administrayon sa pamahalaan.
Samantala ayon sa Center for Migrant Advocacy Philippines, aabot sa 5,000 mga Pilipino ang lumalabas ng bansa kada araw na kung susumahin ay tinatayang aabot sa kabuuang 1.8-milyong Pilipino kada taon.
Una ng binigyang diin ng CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ang kahalagahan ng mga OFW sa lipunan at kanilang malaking ambag sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
Batay sa pagtataya ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa pagtatapos ng 2015 tumaas pa ng 3.6 na porsyento ang OFW cash remittance na umabot sa 22.83-billion dollars kumapara sa 22.08-billion dollars noong 2014.