198 total views
Naniniwala si Professor Ronald Simbulan – Vice Chairman ng Center for People Empowerment in Governance (CenPEG) na indikasyon ng pagiging mas matalino at mapili ng mga botante sa darating na halalan ang pagiging aktibo ng mga ito sa mga talakayang pampulitika sa kasalukuyan.
Aniya, marami ng mga botante ang naghahanap ng mga tunay na lingkod bayan na makapaglilingkod ng tapat sa lipunan kaya’t mas aktibo ang mga ito sa pakikisangkot sa mga usaping pampulitika at pagkilatis sa mga katangian at maging personalidad ng mga tumatakbong kandidato.
“Indikasyon din ito siguro na marami sa ating mga botante parang they are fed-up with you know certain kinds of leaders na sa nakaraan hinalal natin pero they turn-out to be ineffective as leaders..” Ang bahagi ng pahayag ni Prof. Simbulan sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, sa isinagawang huling Presidential PiliPinasDebates2016 sa University of Pangasinan – ilan lamang ang usapin ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea, Traffic, pagkakaroon ng permanenteng trabaho, katiyakang pangkalusugan, kapayapaan sa Mindanao at sitwasyon ng mga OFW sa iba’t ibang panig ng mundo sa mga natalakay at nabigyang pansin ng limang kandidato sa pagkapangulo.
Kaugnay nito, patuloy naman ang panawagan ng Simbahang Katolika sa may 54.6 na milyong botante bukod pa sa may 1.4 na milyong OFW absentee voters na maging matalino at masusing kilatisin ang katangian at kakayahan ng mga kandidato na tunay na nararapat maluklok sa may higit 18-libong posisyon sa pamahalaan.