563 total views
August 21, 2020-10:45am
Nilinaw ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na ang bibliya na New Testament Pinoy version ay inilathala upang higit na maunawaan lalau na ng bagong henerasyon.
Ayon kay Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud-chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Biblical Apostolate, layunin nitong abutin at maipalaganap ang mabuting balita lalo na sa kabataan.
“Ang purpose kasi nito kaya gumawa ng ganitong translation, so that it can reach to everyone kung saan target talaga nito ang mga kabataan,” pahayag ni Bishop Bancud sa Radio Veritas.
Paliwanag ng obispo ang mahalaga ay madaling maunawaan ng mananampalataya ang mga Salita ng Diyos sapagkat may mga pagkakataong hindi nauunawaan lalo na ng kabataan ang classic translations na ginagamit sa bibliya.
Ayon sa obispo ito ay walang pinagkaiba sa classic version ng bibliya ang ‘New Testament Pinoy version’ kung saan gumagamit ito ng Tagalog at English na mga salita subalit nanatili ang tunay na kahulugan ng mga salitang nais ng Panginoon na maikintal sa isipan ng bawat indibidwal.
“Kung tutuusin wala namang pagkakaiba; ang purpose lang talaga ay marating ang bawat isa lalo na ang mga kabataan upang lalo nilang marinig, maunawaan, to better appreciate and then to reflect the word of God,” dagdag pa ni Bishop Bancud.
Taong 2018 nang ilunsad ng Philippine Bible Society ang bersyon ng bibliya na ang target ay millenial generations.
Muling napag-usapan ang bersyon ng bibliya makaraang mag-viral sa social media page ng St. Pauls Bookstore.
“Sa mga official liturgist o liturgy, mayroon po tayong official translations na ginagamit,” ayon ni Bishop Bancud.