1,194 total views
Nilagdaan na ang kasunduan sa pagitan ng Komisyon sa Wikang Filipino, National Coordination Network for Deaf Organizations (NCNDO), at National Coordination Network for Interpreting (NCNI) na naglalayong pagtibayin ang paggamit sa Filipino Sign Language sa mga pampublikong pasilidad, serbisyo at transaksyon.
Ayon kay Wikang Filipino Commissioner Benjamin Mendillo, Jr. ang paglagda sa Memorandum of Agreement ay katibayan na ang KWF ay makakatuwang ng iba’t ibang deaf organization sa bansa upang palawigin ang Republic Act 11106 o ang Filipino Sign Language Act.
Ito rin ang tugon ng komisyon upang higit na tangkilikin, isagawa, kilalanin, pangalagaan at tiyaking wasto ang pagtatamo ng karapatang pantao, at ang simulaing naaayon para sa mga taong may kapansanan.
“Hinihimok ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na magkaroon din ng mga unit ng Filipino Sign Language na mayroong mga deaf interpreters at deaf advocates upang sanayin sila at magkaroon sila ng puwang sa inyong mga tanggapan upang ang lahat ng mga kanilang mga karapatan at kanilang mga adbokasiya ay marinig natin at sila ay ma-represent din sa inyong mga ahensya,” pahayag ni Mendillo sa panayam ng Radio Veritas.
Kasunod naman ng paglagda sa kasunduan ay pinasinayaan din ang Filipino Sign Language Office at Unit sa gusali ng KWF.
Ayon kay KWF Chairman Arthur Casanova na ang tanggapan ay magiging katuwang ng komisyon sa pagbabalangkas at pagpapatupad sa pagsusulong at pagtuturo ng FSL upang ganap na maitatag sa mga iba’t ibang pampublikong tanggapan.
Ang Filipino Sign Language Act ay isang batas na ipinatupad noong 2018 na nagdedeklara sa FSL bilang pambansang wikang senyas ng Filipino may kapansanan sa pandinig.
Kinilala ito ng World Federation of the Deaf bilang huwaran ng legal na pagkilala sa pambansang wikang senyas na matatagpuan lamang sa 40 bansa sa buong mundo.
Ang Komisyon sa Wikang Filipino ang mangungunang ahensya sa pagbabalangkas ng Implementing Rules and Regulations ng panukalang batas.
Ginanap naman ang paglagda sa kasunduan at pagpapasinaya sa FSL Office at Unit nitong Hulyo 6, 2022 sa Bulwagang Romuladez sa gusali ng Komisyon sa Wikang Filipino.