197 total views
Umaasa ang grupong Rise up for Life and for Rights na patuloy na maninindigan ang mamamayan laban sa nagaganap na karahasan sa gitna ng patuloy na kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga.
Ayon kay Rev. Fr. Gilbert Billena, Spokesperson of RISE UP, patuloy na maninindigan ang kanilang grupo upang ipapanawagan at isulong ang rehabilitansyon sa mga nalulong sa ipinagbabawal na gamot laban sa patuloy na pagtaas ng bilang ng drug-related killings sa bansa.
“Bilang tindig natin ay ipinanawagan natin yung stop the killings at kagalingan po para sa mga kapatid natin hindi pagpaslang kundi rehabilitasyon at sundin yung batas na nasa ating bayan…” pahayag ni Father Billena sa panayam sa Radio Veritas.
Sa pinakahuling tala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Mayo nasa mahigit 4.7-milyon ang bilang ng mga gumagamit ng ilegal na droga sa bansa partikular na nang shabu, marijuana, cocaine, ecstasy at solvent.
Nauna na ring inihalintulad ng Kanyang Kabanalan Francisco na bagong uri ng pang-aalipin ang drug addiction na dapat tugunan ng bawat bansa sa pamamagitan ng edukasyon at rehabilitasyon.
Patuloy namang umapela ang Catholic Bishops Conference of the Philippines sa pamahalaan, maging sa mga prosecutors at mga hukom na manatiling matibay sa pagpapairal ng batas at katarungang panglipunan sa gitna ng marahas na kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga.
(Reyn Letran)