371 total views
Buong galak na binabati ng Diyosesis ng San Pablo, Laguna ang pagkakatalaga kay Kanyang Kabunyian Jose Cardinal Advincula bilang ika-33 Arsobispo ng Arkidiyosesis ng Maynila.
Ayon kay San Pablo Bishop Buenaventura Famadico, dapat na ipagpasalamat sa Diyos ang magandang biyayang ito sa sambayanang Pilipino dahil sa pagkakaloob ng bagong pastol sa Arkidiyosesis ng Maynila na gagabay sa mga mananampalataya, hindi lamang ng Arkidiyosesis kundi maging ng buong Pilipinas.
Idinadalangin ni Bishop Famadico na nawa si Cardinal Advincula ay patnubayan ng Espiritu Santo upang lubos na magampanan ang tungkuling nakasaad sa kanyang Episcopal motto na “Audiam” na nangangahulugang ito’y handang makinig sa sambayanan ng Diyos upang magabayan patungo sa Kaharian ng Poong Maykapal.
“Tayo ay magpasalamat sa Diyos sa pagpapadala ng bagong pastol sa Archdiocese of Manila at sa suffragan dioceses nito kabilang na ang Diocese of San Pablo. Nawa’y gabayan siya ng Espiritu Santo upang sa kanyang pakikinig sa tinig ng bayan ng Diyos, mapamunuan niya sila patungo sa Kaharian ng Diyos,” mensahe ni Bishop Famadico sa panayam ng Radio Veritas.
Noong Hunyo 24, 2021, pinangunahan ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown ang makasaysayang pagtatalaga kay Cardinal Advincula bilang ika-33 Arsobispo ng Arkidiyosesis ng Maynila, kasabay ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista at ika-450 anibersaryo ng pagkakatatag sa Lungsod ng Maynila at unang simbahan ng Maynila na ngayon ay ang Manila Cathedral.
Ang Arkidiyosesis ng Maynila ay ang Metropolitan See ng Ecclesiastical Province of Manila na kinabibilangan ng mga Diyosesis na sakop ng National Capital Region — ito ay ang mga Diocese ng Novaliches, Parañaque, Cubao, Kalookan, at Pasig; at apat naman mula sa mga lalawigan ng Cavite – Diocese of Imus; Rizal – Diocese of Antipolo; Bulacan – Diocese of Malolos; at Laguna – Diocese of San Pablo.