3,424 total views
Tiniyak ng Commission on Human Rights ang patuloy na pagtataguyod sa karapatan ng mga biktima ng pang-aabuso sa kalikasan.
Ayon kay CHR Policy Officer Vincent Leo Gamboa, nakahandang tumulong ang komisyon sa pamamagitan ng legal assistance sa mga apektado ng mga proyektong pumipinsala sa kalikasan.
Tinukoy ni Gamboa ang mga katutubo na nakakaranas ng pang-aabuso at pagbabanta lalo na ang mga Agta-Dumagat-Remontado mula sa lalawigan ng Rizal at Quezon dahil sa itinatayong Kaliwa Dam Project.
“Sa bahagi ng mga indigenous peoples kasi maraming iba-ibang issue. So, for example, kung ‘yung mga proyekto ay nagli-lead to displacement ng mga IPs, meron po kaming Center for Crisis, Conflict, and Humanitarian Protection sa loob ng CHR na sila naman po ‘yung nagha-handle sa internal displacement issues ng IPs natin,” pahayag ni Gamboa sa Radio Veritas.
Samantala, umaasa naman si Ricardo Turgo ng Samahan ng mga Katutubong Agta na Pinagtatanggol at Binabaka ang Lupaing Ninuno (SAGIBIN-LN) na dinggin at tugunan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang matagal nang panawagang pangalagaan ang mga lupaing ninuno laban sa mga mapaminsalang proyekto.
Iginiit ni Turgo na hanggang ngayon ay walang natatanggap na pagpapasya ang grupo mula sa pamahalaan kaugnay sa kanilang mga ipinapanawagan.
“Hindi po talaga kami titigil hanggang walang resulta ‘yung pagsusulong namin doon sa pagtatanggol sa aming kalikasan. Na sana ito ay makaabot sa kanila at sana sa pagkakataong ito ay pagkaisahan natin ‘yung magkakatulad nating hinaing at alam ko namang hindi Dumagat lang ‘yung maaaring maapektuhan kung hindi natin pipigilan ang mga proyektong makakasira sa ating kalikasan,” ayon kay Turgo.
Marso 23, 2023 nang manawagan ang Rights of Nature Philippines Movement, sa pangunguna ng Philippine Misereor Partnership, Inc kasama ang Caritas Philippines at iba pang makakalikasang grupo, para sa pagdedeklara ng climate emergency sa bansa.
Kasabay nito ang panawagan sa pagsusulong sa Rights of Nature Bill na layong pagtuunan ang karapatan ng inang kalikasan upang matugunan ang matagal nang suliranin sa krisis sa klima.