1,987 total views
Nagpahayag ng pakikiisa ang Task Force Detainees of the Philippines sa paggunita ng 18-Day Campaign to End Violence Against Women.
Ayon kay TFDP chairman Rev. Fr. Christian Buenafe, O.Carm., magandang pagkakataon ang kampanya upang muling maipaalala sa lahat ang pagkakapantay-pantay ng bawat isa sa lipunan.
Ipinaliwanag ng Pari na ang pagbibigay galang at pagpapahalaga sa karapatan at dignidad ng bawat isa ay walang pinipiling kasarian.
“Lahat dapat ay pantay-pantay may respeto sa bawat isa, ang paggalang sa bawat isa kahit babae, kahit lalake o LGBTQ o anumang sexual orientation meron ka. So I think this is a good reminder, a good activity for all of us na i-revisit natin yung ating mga pinaniniwalaan, yung ating mga concepts, yung ating mga ideas tungkol sa gender at saka sa relationship ng mga genders…”pahayag ni Fr. Buenafe sa Radio Veritas.
Tema ng 18-Day Campaign to End Violence Against Women ang “United for a VAW-free Philippines” na ginugunita mula ika-25 ng Nobyembre hanggang ika-12 ng Disyembre.
Layunin ng 18-araw na kampanya na higit na maisulong at maipalaganap ang pagkakaisa ng buong pamayapanan sa pagbibigay proteksyon sa mga kababaihan mula sa iba’t ibang uri ng pang-aabuso at karahasan.
Nakasaad sa Encyclical ni Pope John the 23rd noong 1961 na MATER ET MAGISTRA on Christianity and Social Progress na bahagi ng tungkulin ng estado ang protektahan ang kapakanan at karapatan ng lahat ng mamamayan.