1,946 total views
Umapela ng tulong ang Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan para sa pagbangon ng mga residente na labis ang pinsalang tinamo sa bagyong Odette.
Ayon kay Bishop Broderick Pabillo, ito ang kauna-unahang pagkakataong naranasan ng mamamayan sa Palawan ang matinding bagyo na sumira sa kalikasan, istruktura at kabuhayan sa lalawigan.
Sinabi ng Obispo na kabilang sa mga kinakailangan ng mga taga-Palawan ang ‘shelter materials’ para sa mga nasirang bahay at maging ang mga kapilya sa mga komunidad.
“Grabe talaga ang pinsala doon sa Palawan lalo na sa Northern part, kailangan ngayon doon ang yero, semento at iba pang shelter materials. Ganundin para sa mga banca para matulungan na makabalik sa kanilang kabuhayan,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Batid ng Obispo ang hirap na naranasan ng mamamayan sa bansa na pinalala ng pandemya subalit umapela itong magtulungan para sa mga nasalanta ng kalamidad.
Pagbabahagi ni Bishop Pabillo sa 500 kapilya ng mga simbahan sa Palawan, 150 ang lubhang napinsala nang manalasa ang bagyong Odette noong Disyembre.
Dagdag ng Opisyal, nagpapahirap din sa mamamayan sa Palawan ang pagkasira ng kabuhayan tulad ng mga banca na ginagamit sa pangingisda, pagkasira ng mga pananim at nagtumbahang mga punongkahoy gayundin ang bagsak na turismo dulot ng pandemya at kalamidad.
Ayon sa Obispo, nasa 170 mga banca ang nawasak ng bagyo kung saan malaking kawalan ito sa mamamayan sa Palawan dahil bukod sa pagsasaka, pangingisda rin ang isa sa pangunahing kabuhayan sa lugar.
Kaya’t apela ng Obispo na matulungang maibalik ang kabuhayan upang makabangon ang mamamayan sa epekto ng kalamidad.
Sa pagtaya ni Bishop Pabillo nasa 30-libong piso ang halaga ng isang motorized banca na kayang sumakay ang tatlong katao para sa pangingisda.
Tiniyak din ng Obispo ang patuloy na pagkilos ng Bikaryato sa pangunguna ng Social Action Center para mamahagi ng pangunahing tulong tulad ng pagkain, tubig, damit at maging hygiene kits.
Para sa mga nais magpaabot ng tulong, maaaring via Gcash sa 0927-033-7609 sa Account Name na Broderick Pabillo.
Maaaring sa pamamagitan ng sumusunod na BPI Accounts para sa General Donations –
Account Name: VICAR APOSTOLIC OF THE VICARIATE OF TAYTAY INC.
Account Number: 008873-0927-78;
Para sa vocation –
Account Name: VICAR APOSTOLIC OF THE VICARIATE OF TAYTAY INC. – VOCATION
Account Number: 008873-0927-51;
Para naman sa communication –
Account Name: VICAR APOSTOLIC OF THE VICARIATE OF TAYTAY INC. – COMMUNICATION
Account Number: 008873-0927-43.