379 total views
Nagpapatuloy ang health caravan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Health Care, Caritas Philippines at Ritemed Philippines.
Idinaos ngayong araw ang medical mission sa Minor Basilica of the Immaculate Conception, sa Diocese of Malolos Bulacan.
Isinagawa ang libreng konsultasyon sa 600 na Baranggay Health Workers, Church Volunteers at iba pang mamamayan na maysakit sa Diyosesis.
Ayon kay Father Dan Cancino – Executive Secretary ng CBCP-ECHC na nanguna sa misang idinaos bago magsimula ang medical mission, mahalaga ang inisyatibo upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga indibidwal na nangangalaga din sa kalusugan ng kapwa.
“Sana malusog din ang ating mga doktor, mga nurse, ang ating mga baranggay health care workers, ang ating mga community health frontliners, ang ating mga parish-based health volunteers, sana malusog din tayo lahat kasi ito yung tawag natin na ang kalusugan ay isang biyaya, ito ay isang grasya ng ating Panginoong Diyos dapat nating pangalagaan, kapag pinangalagaan natin ang kalusugan, pinapangalagaan natin ang buhay, buhay natin, buhay din ng ibang tao,” pahayag sa Radio Veritas ni Father Cancino.
Itinuring naman na biyaya ni Father Arvin Jay Jimenez – Parochial Vicar ng Minor Basilica of the Immaculate Conception at Vice-Chancellor ng Diocese of Malolos ang medical mission dahil sa pagbibigay nito ng pagpapahalaga sa kalusugan ng mga lingkod ng simbahan at pamahalaan.
Nangako naman si Edwin Nicolas – Operations Manager ng Ritemed Philippines ng patuloy na pakikipagtulungan sa simbahang katolika upang makakamit ng bawat Pilipino ang ligtas at abot-kayang halaga ng mga gamot.
Ito na ang ika-anim at huling medical mission ng Ritemed Philippines na unang idinaos sa Quezon City, Mandaluyong , Batangas, Pampanga at Laguna bilang paggunita ng kanilang ika-20 anibersaryo ngayong 2022.
Patuloy naman ang pakikipagugayan ng Ritemed at Unilab sa mga diyosesis sa Visayas at Mindanao upang maidaos o mapalawig ang medical missions.