239 total views
Iwaksi ang pagtingin sa mga Overseas Filipino Workers bilang salapi o pagkakaperahan.
Ito ang naging pahayag ni CBCP – Permanent Committee on Public Affairs chairman at Lipa Archbishop Ramon Arguelles sa ulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas na tumaas sa 6.7 porsiyento ang dollar remittances na katumbas ng $2.38 bilyong dolyar sa nakalipas na Setyembre 2016.
Iginiit ni Archbishop Arguelles na hindi makatao ang ganitong turing ng pamahalaan sa mga OFWs na katumbas na lamang ng numero at wala ring matinong programa ang gobyerno sa kanilang security at pamilyang naiwan kahit na napakalaki ng dollar remittances na ipinapasok sa bansa.
“Ang tingin natin sa mga OFWs dolyar, hindi maganda, inhuman iyon. Our OFWs are open to maltreatment dahil maltreated sila sa ibang bansa. Ang tingin natin sa mga OFW ay slave, ini – enslave na sila dun, ini – enslave pa sila dito. Pera ng pera, remittances ng remittances, saan ba ginagamit iyan. Hindi naman nakakatulong iyan sa pamilya ng OFW, sana’y pinagbubuti iyon,” pahayag ni Archbishop Arguelles sa panayam ng Veritas Patrol.
Kaugnay nito, hinimok ng Arsobispo ang gobyernong Duterte na bigyan ng agarang tulong ang mga undocumented immigrants sa Estados Unidos dahil sa paghihigpit na isasagawa ng bagong pangulo ng Amerika.
“Alam naman ng mga undocumented na mapanganib yung kanilang buhay dahil sa palusot – lusot. Sana ang maging solusyon ay gawing documented sila. Iyon din isang insulto rin na sinasabi ng mga Amerikano hindi naman nila tayo kailangan kundi tayo ang nangangailangan sa kanila. We confirmed na tayo ang nangangailangan sa kanila, actually they make us,” giit pa ni Archbishop Arguelle sa Radyo Veritas.
Sa tala ng Philippine Statistical Authority (PSA), ang bilang ng mga OFWs ay umaabot na 15 milyon sa buong mundo.
Karamihan sa kanila ay mula sa CALABARZON, Central Luzon at National Capital Region.
Nabatid rin na noong 2012, umabot sa Php165.5 billion ang naipadalang remittances ng mga OFWS.
Iginigiit ni St. Pope John Paul II sa World Migration Day noong 2000 na mapakinggan nawa ang hinaing ng mga migrante sa buong mundo at matugunan ng pamahalaan ang kanilang pangangailangan at maipagtanggol ang kanilang dignidad at karapatan.