1,954 total views
Ipinapanalangin ni Catarman, Northern Samar Bishop Emmanuel Trance ang kaligtasan ng mga biktima ng sama ng panahon sa Eastern Visayas.
Ayon kay Bishop Trance, anim na bayan sa Northern Samar ang nakaranas ng tuloy-tuloy na pag-uulan na naging sanhi ng pagbaha dahil pa rin sa epekto ng low pressure area at shear line.
“Some six Northern Samar towns facing the Pacific Ocean going to Eastern Samar were having heavy rains for two hours which brought more flooding.” pahayag ni Bishop Trance sa panayam ng Radio Veritas.
Sa huling ulat ng Eastern Visayas Regional Disaster Risk Reduction and Management Emergency Operations Center, nasa 15 bayan na sa Northern Samar ang kasalukuyang lubog sa baha habang 14 sa Eastern Samar, 18 sa Samar, at 22 bayan naman sa Leyte.
Umabot naman sa higit 19,500 pamilya sa Northern Samar ang apektado ng sama ng panahon kung saan ang karamiha’y nananatili muna sa mga evacuation centers.
Samantala, nasa halos 59-libo naman ang bilang ng mga apektadong pamilya sa Eastern Samar, 6,500 sa Samar, 25,300 sa Leyte, 326 sa Biliran, habang pito naman sa Southern Leyte.
Dalangin naman ni Bishop Trance na patuloy nawang ipagkaloob sa mga lubhang apektadong pamilya ang kaligtasan mula sa panganib na maaaring idulot ng patuloy na pag-uulan, gayundin ang katatagan ng loob sa kabila ng pinagdadaanang pagsubok.
“Protect our families from dangers of disaster and calamity. May Señor Jesus Nazareno be our companion as we battle with climate change effect and throughout this week and next. May Mary the morning star lead us to a brighter day until the good weather is back,” ayon kay Bishop Trance.
Batay sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa higit 130,000 pamilya o higit 550,000 indibidwal mula sa 13 rehiyon sa buong bansa lalong lalo na sa Eastern at Central Visayas, Zamboanga Peninsula, at Davao Region ang lubhang apektado ng low pressure area at Shear line.
Sa kasalukyan, 20 na ang naiiulat na nasawi sa kalamidad, habang walo ang nasaktan, habang isa naman ang nawawala.