32,863 total views
Nagpahayag ng pagkabahala ang Alyansa Tigil Mina laban sa isinusulong na pag-amyenda sa 1987 Philippine Constitution o charter change (ChaCha).
Ayon kay ATM national coordinator Jaybee Garganera, posibleng manganib ang kaligtasan ng mga lupain at kalikasan dahil ang pagbabago sa konstitusyon ay higit na magbibigay ng pahintulot sa pagkakaroon ng foreign ownership sa bansa.
Iginiit ni Garganera na sakaling matuloy ito, magiging dahilan ito lalo pang pagsamantalahan ng mga dayuhang kumpanya ang mga likas na yaman ng bansa, na ang layunin lamang ay kumita sa halip na isaalang-alang ang kaligtasan ng kalikasan at kapakanan ng mga tao.
“Lifting the restrictions on foreign investments is tantamount to giving up our sovereignty and being a colony of foreign corporations. Plus, this may potentially result in a highly-skewed wealth distribution, where foreign firms who own land and natural resources reap more profits while government only gets measly taxes,” pahayag ni Garganera.
Paliwanag ng grupo na palalawakin ng charter change ang industriya ng pagmimina na negatibo naman ang magiging epekto sa kapaligiran tulad ng pinsala sa mga anyong lupa at tubig, paglala ng epekto ng climate change, at panganib sa buhay ng mga tao lalo na sa mga katutubo.
Sa kasalukuyan, pinahihintulutan sa Republic Act No. 7942 o Philippine Mining Act of 1995 ang 100-porsyentong foreign ownership sa mga mineral sa ilalim ng Financial and/or Technical Assistance Agreement (FTAA).
Napag-alaman naman ng Korte Suprema noong Enero 2004 na labag ito sa konstitusyon, ngunit binawi ito makaraan ang ilang buwan.
“RA7942 legitimizes the plunder of our national patrimony—literally moving our mountains, destroying our forests, contaminating our rivers and water systems, and polluting the air we breathe. Eventually, when disasters occur and when the minerals are gone, communities are abandoned and left to suffer alone. This situation will only worsen if ChaCha prospers and transnational corporations are allowed to act with impunity,” ayon kay Garganera.
Panawagan naman ng ATM sa pamahalaan na pagtuunan na lamang ang pagtugon sa ibang mga suliranin ng bansa sa halip na mag-aksaya ng panahon at salapi sa inisyatibong ChaCha, gayundin sa sambayanang Pilipino na huwag magpalinlang sa mga maling paliwanag hinggil sa pagsusulong ng inisyatibo.
“Similar to previous charter change attempts, the current push for constitutional amendments must be stopped. Whether through a People’s Initiative, a Constituent Assembly or a Constitutional Convention, charter change must not be allowed,” giit ng grupo.
Una nang pinaalalahanan ni Caritas Philippines president, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo ang mamamayan na maging mapagmatyag at makibahagi sa mga usaping pampulitika kasabay ng patuloy na pananalangin para sa mga opisyal ng bayan na maglingkod ng tapat, makatao, at maka-Diyos sa sambayanan.