549 total views
Maituturing na isa sa mga salik ng kawalan ng tunay na Kapayapaan at Kaayusan sa Bansa ang mismong paraan ng pamumuno ng mga Opisyal ng Pamahalaan.
Ito ang binigyang diin ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo- Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity kaugnay sa patuloy na karahasan sa Bansa.
Ayon sa Obispo, ang paraan ng pananalita at ang mga pagbabanta ng mismong lider ng bansa ay mayroong direktang epekto sa kawalan ng ganap na kapayapaan sa Pilipinas partikular na sa mga nagaganap na karahasan.
“So ang isang factor dun ay syempre kung ang ating leadership ang kanyang pananalita, ang kanyang mga banta ay hindi sa isang paraang mapayapa may mga effect yan sa bansa so yan ay bahagi sa lack of peace natin…”pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, batay sa 12th Edition ng Global Peace Index (GPI) bumaba ng isang antas ang ranggo ng Pilipinas sa 2018 GPI kung saan mula sa ika-136 na puwesto ay bumaba ang antas ng Pilipinas sa ika-137 mula sa 163 na mga estado at mga bansa batay sa level of peacefulness.
Batay sa tala bagamat nananatili ang Asia-Pacific region bilang ikatlong pinakamapayapang rehiyon sa buong mundo ay nasa ika-18 na ranggo naman ang Pilipinas sa buong Asia-Pacific Region na sinusundan ng Kumonistang Grupong North Korea.
Ayon sa pag-aaral maituturing na malaking bahagi sa naging pagbaba ng Pilipinas sa Global Peace Index ay ang naging madugong kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga, ang naganap na Marawi Siege at maging ang implementasyon ng Martial Law sa rehiyon ng Mindanao.
Dahil dito tinukoy ni Bishop Pabillo na ang maayos na pamumuno ng mga Opisyal ng Bayan, ang pagsugpo sa mga pang-aabuso sa mga Mamamayan at ang pagkakaloob ng mga Permanenteng Trabaho ang ilan lamang sa mga salik na makatutugon upang ganap ng makamit ng Bansa ang tunay na Kapayapaan.
“Maayos na leadership saka i-control nila yung mga pang-aabuso na nanggagaling sa pamahalaan at saka sikapin na talagang magkaroon ng maayos na hanapbuhay yung mga tao kasi yun ang mga aktuwal na nagdadala ng mga factors ng violence sa lipunan…” apela ni Bishop Pabillo.
Una nang binigyang-diin ng Kanyang Kabanalan Francisco sa kanyang mensahe sa 2017 World Day of Peace na ang pag-ibig, Kalayaan at Katarungan ang pangunahing pundasyon ng isang mundo kung saan nananaig ang Kapayapaan at nakasentro sa Poong Maykapal.