386 total views
Kinakailangan ang sama-samang pakikisangkot ng bawat isa upang lubos na maisakatuparan ang mga plano sa pagpapanatili ng ating nag-iisang tahanan.
Ito ang mensahe ni Military Bishop Oscar Jaime Florencio hinggil sa paggunita sa World Environment Day na may paksang ‘restoring ecosystem’ at Philippine Environment Month ngayong Hunyo.
Ayon kay Bishop Florencio, na siya ring Vice Chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care, naaangkop ang paksa ng pagdiriwang sa panawagan ng kasalukuyang panahon kung saan nababatid na ang epekto ng kapabayaan ng mga tao sa ating likas na yaman.
Iginiit ng Obispo na kung hindi tayo kikilos upang mapangalagaan ang ating inang kalikasan, tiyak na ang epekto nito ay lalong magpapahirap sa bawat isa lalong-lalo na sa mga nasa mahihirap na komunidad.
“Let us rally behind the project of the World Environment Day – it is indeed the call of our present times. We need to collaborate together because we are talking about our common home. Unless we act now we cannot afford to reverse the effects of what is happening with our home,” bahagi ng mensahe ni Bishop Florencio sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, panawagan naman ni Bishop Florencio na bagamat ang buong mundo ngayon ay patuloy na nakikipagsapalaran sa epekto ng pandemya, hindi nito dapat mahadlangan ang pangangalaga natin sa ating inang kalikasan.
Paliwanag pa ng opisyal na hindi rin lamang sa malalaking programa nagsisimula ang pangangalaga sa kalikasan, bagkus ang maliit na paraan at pagkilos ay malaking bagay na upang unti-unting maipalaganap ang pagmamalasakit sa ating nag-iisang tahanan para na rin sa susunod na henerasyon.
“I would like to ask you on behalf of our future generations. We need not do the big and huge programs as safeguarding the common home but we can always do the little things that are necessary for keeping, respecting and loving our common home. Ito po ay mahalaga Sa atin minute by minute… Kahit nasa pandemic tayo we can do this just the same,” saad ni Bishop Florencio.
Magugunitang sa Laudato Si ni Pope Francis, hinihikayat nito ang bawat isa na simulan sa pagbabago ng lifestyle ang ecological conversion na kinakailangan ng mundo, at dito naman magmumula ang community conversion o pagkakaisa ng bawat mamamayan para sa iisang adhikaing pangalagaan ang sangnilikha.
Taong 1972 nang ilunsad ng United Nations General Assembly ang World Environment Day sa unang araw ng Stockholm Conference on the Human Environment upang ipalaganap ang kamalayan hinggil sa wastong pagkilos at pangangalaga sa kalikasan.