443 total views
Hinimok ni Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo ang mananampalataya na sikaping baguhin ang mga nakagawian para sa kinabukasan ng ating nag-iisang tahanan.
Ito ang panawagan ni Bishop Pabillo, Chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Office on Stewardship bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Earth Hour 2022 nitong March 26.
Ayon kay Bishop Pabillo, ang pagbabago ng ‘lifestyle’ tulad ng paglimita sa paggamit ng enerhiya na makatutulong para sa kalikasan.
“Ipanalangin natin na ang lahat ay sikaping magbago ng lifestyle upang maiwasan na ang pagiging maluho tulad na lamang sa paggamit ng energy. Energy is a limited resource,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Inaasahan naman ng obispo na nawa’y hindi lamang manatili sa loob ng isang oras ang mensaheng nais iparating ng Earth Hour kundi mas lalo pang mahikayat ang bawat isa na ipagpatuloy ang pagmamalasakit sa inang kalikasan.
“Ang Earth Hour ay nagpapaalala sa atin ng kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan. Kapag ang kalikasan ay nasira, damay tayong lahat at ang ating kinabukasan,” ayon kay Bishop Pabillo.
Umabot sa 192 bansa at teritoryo sa buong mundo ang nakiisa sa Earth Hour sa pamamagitan ng isang oras na pagpatay sa mga ilaw at kagamitang de kuryente mula alas-8:30 hanggang alas-9:30 ng gabi.
Ang Earth Hour ay inisyatibo ng World Wide Fund for Nature – isang international non-government organization na nagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan.
Taong 2007 nang unang isagawa ang programa sa Sydney, Australia, at 2008 naman nang ilunsad ito sa Pilipinas.
Tema naman ngayong taon ang ‘Shape Our Future’ na layong paalalahanan ang publiko na ang lahat ay may mahalagang gampanin sa paghubog sa bagong kinabukasan ng mamamayan at ng daigdig.