362 total views
Makikiisa ang Diocese of Baguio sa pagdiriwang ng Earth Hour ngayong taon na layong muling pagpahingahin ang inang kalikasan mula sa patuloy na pag-init ng daigdig.
Sa liham sirkular ni Bishop Victor Bendico, hinikayat nito ang mga mananampalataya na magpatay ng mga ilaw at kagamitang de kuryente mula alas-8:30 hanggang alas-9:30 ng gabi bilang pagpapahayag ng suporta sa adhikain ng Earth Hour.
“I encourage all the Faithful of the Diocese of Baguio to support and participate in this important activity in accordance with our Vision-Mission, particularly for the environment,” bahagi ng liham sirkular ni Bishop Bendico.
Kasabay naman ng isang oras na pagpatay sa mga ilaw, hinimok din ni Bishop Bendico ang bawat isa na sama-samang magdasal ng Santo Rosaryo para sa mga natatanging intensyon:
“For World Peace as we hope for the end of wars among nations and peoples; for the end of this COVID-19 pandemic; for those agencies, organizations and person who are promoting the care of the environment; for families and individuals you know that are affected by the environmental crisis; and for our authentic response to our mission of caring for our environment and the Earth, our Home,” ayon kay Bishop Bendico.
Ang Earth Hour ay inisyatibo ng World Wide Fund for Nature – isang international non-government organization na nagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan.
Tema ngayong taon ang ‘Shape Our Future’ na layong paalalahanan ang publiko na ang lahat ay may mahalagang gampanin sa paghubog sa bagong kinabukasan ng mamamayan at nang daigdig.
Ito’y sa pamamagitan ng paghikayat sa mga kumpanya at pamahalaan na tumulong sa pagbuo ng makakalikasan at malinis na kinabukasan.
Naunang nagpahayag ng pakikiisa sa Earth Hour 2022 si Bayombong Bishop Elmer Mangalinao.