185 total views
Pinapauwi na sa bansa ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant Peoples ang nasa halos 3-libong Overseas Filipino Workers na nananatili sa Libya sa kabila ng mandatory repatriation na ipinag-utos ng gobyerno dahil sa kaguluhan sa naturang bansa.
Hiniling ni Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, na makipagtulungan ang mga OFW sa Libya sa Embahada ng Pilipinas doon upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Pinayuhan ng Obispo ang mga OFW na isaalang na mas mahalaga ang kanilang buhay kaysa hanapbuhay.
“Ating hiling sa mga Pilipinong naroon na may mahigit 2000 ang ating pamahalaan ay gumagawa ng paraan upang sila ay maibalik sila dito sa Pilipinas o repatriation. Ito na siguro ang pagkakataon upang sila ay makipag–cooperate, makipag–coordinate upang sila ay makauwi ng ligtas. At dapat din nilang isipin na mahalaga ang buhay at buhay tayo,” panawagan ni Bishop Santos sa Radyo Veritas
Hinimok rin nito ang mga mananampalataya na ipagdasal ang mga OFW na nasa mga bansa na may kaguluhan at nang mailikas sila ng ligtas.
“Para naman sa atin dito sa Pilipinas ipagdasal natin sila higit sa lahat yung mga nasa Libya at yung mga nasa Middle East na hindi panatag ang kalagayan. Sana sila ay makalikas at makauwi ng buhay at buo. Palagi nating pahalagahan ang pagpapakasakit ng ating mga OFW na alam naman natin na ang kanilang pinupuntahan ay puro panganib,” panawagan ni Bishop Santos
Sa tala naman ng Department of Foreign Affairs o DFA, umaabot na sa 5,688 ang kabuuang bilang ng mga OFW na nakabalik na sa bansa mula Libya.
Nauna na ring idineklara ng DFA ang crisis alert level 4 sa Libya noong November 2015.
Nabatid na 24 na OFW ang nag-avail ng repatriation at bumalik sa bansa noong linggo.