378 total views
September 26, 2020-1:34pm
Nagpaabot ng pasasalamat ang Catholic Bishop’s Conference of the Philippines–Episcopal Commission on the Laity sa Archdiocese of Cebu at mga lay leaders sa Visayas na nangasiwa para sa pagtatapos ng National Laity Week ngayong taon.
Sa mensahe ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng komisyon ay pinasalamatan ng Obispo ang pagsusumikap ng mga layko sa Archdiocese of Cebu na nagsilbing punong abala sa pagtitipon.
Ayon sa Obispo, ang pagkakataon na makalahok sa pagtitipon ang mga mananampalataya mula sa iba’t ibang lugar ang isang magandang bunga ng paggamit online services na pangunahing pamamaraan ng paggunita sa National Laity Week dahil sa pandemic COVID-19.
“Maraming salamat po kay Archbishop Jose Palma sa pag-host sa ating pagdiriwang ngayon at salamat po sa mga lay leaders sa Cebu sa pag-organize nito at salamat din sa lahat ng mga nakikisama sa pagdiriwang natin sa buong bansa ito po ang maganda sa pamamagitan nitong online services kasi kahit nasaan tayo pwede tayong makiisa,” ang bahagi ng mensahe ni Bishop Pabillo.
Ayon sa obispo, layunin ng paggunita ng National Laity Week ang mabigyan ng malalim na kamalayan ang mga layko sa misyon ng simbahan na ipagpatuloy ang ebanghelisasyon at pagsasakatuparan ng kaligtasan na sinimulan ni Hesus para sa sanlibutan.
Paliwanag ni Bishop Pabillo, nasasaad sa tema ngayong taon na “Shema: Dinggin ang Daing ng Inang Kalikasan; Dinggin ang Pagtangis ng Maralita; Dinggin ang Tawag at Pangako ng Pagkakabuklod-Buklod” ang panawagan sa bawat layko na pakinggan at tugunan ang sambayanan lalu na sa gitna ng krisis na dulot ng pandemya at maging ng mundo na patuloy ang pagkasira at pinsala na tinatamo mula sa kawalan ng pagpapahalaga mula sa ilang mamamayan.
“Let us hear the cry of the poor, during this time so many people have become poor and really the poor are crying out, crying out of jobs, crying out for food, crying out for health sana po makatugon tayo sa kanilang panawagan at we also hear the cry of creation yung ating mundo ay nasisira kahit na po nasa pandemya tayo ay tuloy tuloy ang global warming, tuloy tuloy ang pagkasira ng mundo kaya dapat natin ito alagaan,” dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Ipinapanalangin rin ng Obispo ang paggabay ng Panginoon upang ganap na mapag-isa ang mga layko na silang malakas na pwersa na magsusulong ng pananampalataya at mabuting balita ng Panginoon.
Ang mga layko ay ang mga binyagan na hindi naordinahan o kabilang sa mga religious congregation na tinatayang bumubuo sa 99.99% ng mga Katoliko sa buong bansa.
Nagsimula ang paggunita ng National Laity Week sa Diocese of Pasig noong ika-20 ng Setyembre na ipinagpatuloy sa Archdiocese of Lipa at nagtapos sa Archdiocese of Cebu.