284 total views
Inihayag ng lider ng mga magsasaka na nagprotesta sa Kidapawan City North Cotabato na ang kagutuman ng kanilang mga anak ang nagtulak sa kanila para lumabas at magprotesta sa lansangan at harangan ang highways.
Pinabulaan ni Arlene Amar, lider ng mga magsasaka sa Kidapawan North Cotabato na nahaluan ang kanilang grupo ng New People’s Army (NPA) na nagbuyo sa kanila sa protesta.
Kaugnay nito, tatlong buntis at dalawang senior citizens ang kabilang sa 48 na mga magsasaka na nakakulong ngayon sa Kidapawan City
Ayon kay Amar, kinasuhan ng direct assault ang kaniyang mga kasamahan matapos ang madugong dispersal sa kanila ng mga pulis noong nakaraang Biyernes kung saan 3 ang kumpirmadong nasawi at mahigit 100 ang nasugatan.
Aniya napili nilang i-block ang Kidapawan Highway upang mapansin sila ng lokal na pamahalaan sa kanilang protesta dahil sa gutom na ang kanilang mga pamilya.
“Kami po ay ordinaryong magsasaka, nagtulak sa amin na gawin ito ay ang aming mga anka na nagugutom na, at nang malaman naming na may calamity fund na subalit hindi naman nila inilalabas para ibigay sa mga apektado ng El Nino…wala pong NPA sa amin. Dun po kami mapansin ng lokal government pag isinara naming ang daan, malapit kay governor para mapansin kami.” Pahayag ni Amar sa panayam ng Radyo Veritas.
Enero ng taon, nagsimulang maranasan ng libo-libong magsasaka sa North Cotabato ang epekto ng El Nino dahil sa pagkasira ng kanilang pananim dulot ng kawalan ng tubig.
Samantala, ayon kay Amar, wala pang ibinibigay na tulong sa kanila ang local government kung saan ang kanilang bigas na natanggap ay mula pa sa mga pribadong grupo at indibidwal dahil ayon sa provincial government pag-aaralan at pagpaplanuhan ang distribusyon ng tulong
“Namigay na ng bigas, yung kay gov di pa dumating, plano pa lang nila na magbigay ng budget sa mga magsasaka, yung tulong mula private religious group, yun ang dinala na ng mga kasamahan nating magsasaka sa kanilang pamilya.” Ayon pa kay Omar.
Nasa mahigit 5,000 ang nagprotesta sa Kidapawan Highways kung saan ngayon ang ilan sa kanila nakauwi na sa kani-kanilang tahanan matapos maabutan ng tulong habang ang iba ay nanunuluyan pa rin sa United Methodist Church Center.