270 total views
Nanindigan si Bontoc-Lagawe Bishop Valentin Dimoc na maging ang mga Indigenous people ay tutol sa anumang paglabag sa karapatang mabuhay.
Sa panayam ng Radio Veritas, iginiit ni Bishop Dimoc na maging ang mga katutubo ay hindi ligtas sa serye ng Extra Judicial Killings at anumang hakbang na nagbibigay ng karapatan sa isang indibidwal na kumitil ng buhay.
Binigyan diin ng Obispo ng Bontoc-Lagawe na ang pagkitil ng buhay ay isa ring paglapastangan sa kultura ng mga katutubo.
“Yung indigenous people sa amin ayaw talaga nila ng ganun kasi violation yun ng kanilang kultura, violation yun sa kanilang buhay kaya ayaw nila ng Extra Judicial Killings.”paliwanag ni Bishop Dimoc.
Kaugnay nito, sinabi ng Obispo na ang kanilang mga Basic Ecclesial Communities ay umaagapay sa mga naiwan ng mga napaslang na indibidwal sa kanilang lugar upang matiyak na mabibigyan ito ng sapat na karapatan lalo na kung ang biktima ay wala pang napapatunayang kasalanan.
“Yung mga BEC [namin] tumutulong sa mga widow ng namatay para kunin yun statement ng mga witnesses.” Dagdag pa ni Bishop Dimoc.
Batay sa datos aabot sa mahigit 300 libo ang populasyon ng Bontoc-Lagawe kung saan mahigit 58 porsiyento ay mga katoliko.
Karamihan sa mga residente ay mula sa indigenious people o katutubong pangkat.
Kaugnay nito, paiigtingin din ng Mindanao Bishops ang kanilang kampanya para isulong ang culture of life sa rehiyon.
Tinatayang nasa mahigit 20 libo ang dumalo sa ginanap na “work for life” noong Sabado, ika-18 ng Pebrero sa Quirino Grandstand.