2,475 total views
Puspusan na ang paghahanda ng Prelature of Batanes para sa posibleng epekto ng Super Typhoon Mawar, na may local name na Betty, kapag dumaan na sa bahagi ng lalawigan.
Ayon kay Bishop Danilo Ulep, nananatiling maayos ang panahon sa Batanes at wala pang pahiwatig ng Bagyong Mawar.
“Ang practice kasi dito because of the past typhoons, especially ‘yung recent 3 years ago na napaka-destructive is kapag may ganitong mga forecast na strong typhoons… we all prepare for the worst scenario. Kaya dito, ang ugali ay we put shutters sa mga bintana at pintuan, at sa mga roofing, we tie them ng malalaking lubid,” bahagi ng pahayag ni Bishop Ulep sa panayam ng Radio Veritas.
Sariwa pa rin sa alaala ni Bishop Ulep ang karanasan noong manalasa ang Super Typhoon Kiko noong 2021, na bagamat walang naiulat na nasawi ay nag-iwan naman ng malaking pinsala sa mga gusali at kabuhayan sa buong Batanes.
Magugunitang taglay ng Bagyong Kiko ang lakas ng hangin na aabot sa 215 kilometers per hour at pagbugsong aabot sa 265 km/h, katulad ng tinataglay ngayon ng Super Typhoon Mawar na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility mamayang gabi.
Sinabi naman ni Bishop Ulep na bukas ang mga simbahan sa mga parokyang saklaw ng prelatura para maging pansamantalang matutuluyan, gayundin ay nakahanda na rin ang mga paunang tulong para sa mga pamilya at residenteng maaapektuhan ng sakuna.
“Mayroon nang naka-preposition na mga possible na ayuda o relief goods, and of course not to mention our readiness, also for all the people to get inside the church if the worst scenario happens na wala silang matutuluyan,” ayon kay Bishop Ulep.
Panawagan naman ng obispo ang patuloy na pananalangin para sa kaligtasan ng lahat sa banta ng Super Typhoon Mawar.
Batay sa huling ulat ng PAGASA, huling namataan ang mata ng bagyo sa Silangang bahagi ng Timog-silangang Luzon habang binabagtas ang direksyong pa-Kanluran sa bilis na 20 km/h.