236 total views
Muling isasailalim sa Enhanced Community Quarantine o ECQ ang buong NCR Plus Bubble na binubuo ng mga syudad sa Metro Manila, Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal.
Batay sa anunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque magsisimula ang muling pagpapatupad ng ECQ sa NCR Plus Bubble sa ika-29 hanggang ika-apat ng Abril.
Ang naging hakbang ng pamahalaan at kasunod ng sunod – sunod na naitalang mataas na kaso ng COVID-19 kung saan matatandaang noong ika-26 ng Marso ay naitala ang 9,838 na kaso ng COVID-19 sa loob lamang ng isang araw na pinakamaraming naitalang kaso sa bansa ngayong taon.
Dahil dito, sa ilalim ng ECQ ay hindi na muli pinahihintulutan ang pagsasagawa ng anumang religious gathering sa lahat ng mga lugar na nasa ilalim ng ECQ na nataon pa sa paggunita ng mga mananampalataya ng Semana Santa mula Lunes Santo hanggang sa Linggo ng Muling Pagkabuhay.
Muli ring ipinagbabawal ang paglabas ng mga matatanda, bata, nagdadalang tao at mga may karamdaman kung saan pinahaba rin ang implementasyon ng curfew mula alas-sais ng gabi hanggang alas-singko ng umaga.
Mananatili namang bukas ang mga essential stores tulad ng mga groceries, butika at mga hardware stores para sa mga pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan.
Inaasahan naman ang pakikipag-ugnayan ng IATF sa mga lokal na pamahalaan kaugnay sa pagkakaloob ng ayuda sa mga mamamayan.
Batay sa tala ng Department of Health umaabi5 na sa 712,443 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan nasa 118,122 ang kasalukuyang active cases.