349 total views
Hinimok ng health ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang bawat mamamayan na patuloy na manalangin para sa ganap na kagalingan ng bansa at buong mundo laban sa pag-iral ng COVID-19 pandemic.
Ito ang mensahe ni Military Bishop Oscar Jaime Florencio, vice-chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Health Care sa paggunita sa ikalawang taon nang isailalim sa ‘lockdown’ ang Metro Manila at iba pang lalawigan bunsod ng pandemya.
Ayon kay Bishop Florencio, ang pagpasok ng ‘new normal’ ay nagsisilbing paalala sa bawat isa na ang COVID-19 ay mananatili na sa lipunan kaya’t marapat na sundin ang ‘minimum public health standards’ na ipinag-utos ng pamahalaan sa pamamagitan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Ilan sa mga ito ang patuloy na pagsusuot ng facemask lalo na sa mga pampublikong lugar, at ang palagiang paghuhugas ng kamay at paggamit ng alcohol.
“Sumunod tayo sa mga protocols because ang mga protocol na ‘yan ay bigay sa atin ng ating mga otoridad. Ipinatupad ‘yan para maging maganda at panatag ang buhay natin, hindi tayo magkasakit at hindi mamatay dahil sa virus,” pahayag ni Bishop Florencio sa panayam ng Radio Veritas.
Dagdag ng obispo, mahalaga rin ang pananatiling mahinahon sakaling mahawaan ng COVID-19 nang sa gayo’y maiwasan itong magdulot ng pangamba na maaaring mas magpalala pa ng sakit.
Hinimok din ni Bishop Florencio na ipanalangin ang kapayapaan ng mga kaluluwa ng mga nasawi dahil sa COVID-19.
“Ipagdasal natin kahit papaano na nalampasin natin ang two years na ito. Magpasalamat tayo sa Panginoon na buhay pa ‘yung iba sa atin at syempre ipagdasal din natin ang kapayapaan ng kaluluwa ng mga namatay dahil sa COVID-19,” ayon kay Bishop Florencio.
March 15, 2020 nang ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim sa community quarantine ang buong Metro Manila.
Kasunod naman nito ang pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon noong March 17, 2020 upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nahawaan ng virus.
Sa kasalukuyan, aabot na sa mahigit 3.6 na milyon na ang kabuuang bilang ng mga naitalang kaso ng virus sa buong bansa kung saan higit sa 57-libo rito ang naitalang mga nasawi.