185 total views
Mas hihigpitan pa ng Department of Environment and Natural Resources ang pagbibigay ng Environmental Compliance Certificate.
Ayon kay DENR Secretary Gina Lopez, ito ay nakabase sa Social Justice, na ayon sa konteksto ay ang pagsasaalang-alang ng makabubuti sa higit na nakararami lalo na sa mga mahihirap.
“Social justice, in the context of the DENR, means that the use of the land benefits the greater majority, benefits the common good. But, when the environment is destroyed, it is the poor people around the area who suffer,”pahayag ni Secretary Lopez.
Dahil dito, kinansela ng ahensya ang 12 ECC at tinanggihan na ang isa pang application.
Isa sa mga nakanselang ECC ay sa Century Communities Corporation dahil sa Nova Housing Project nito sa loob ng La Mesa Watershed.
Pinagpapaliwanag rin ng DENR ang Benguet Corp. kung bakit hindi dapat kanselahin ang kanilang ECC makaraang mabigo ang kumpanya na i-rehabilitate ang open pit site makalipas ang 25 taon.
Pinatawan naman ng DENR ng show cause orders ang Sinophil Mining and Trading Corp., LaFarge Mindanao (dating Mindanao Portland Cement Corp.), Philippine Sinter Corp., Century Peak Corp. (sa dalawang proyekto), Filipinas Systems Inc., Ore Asia Mining and Development Corp., Wan Chiong Steel Corp., Wellex Mining Corp., PhiGold Metallic Ore Inc., and Hantex Manufacturing Corp.
Una nang binigyang diin sa Laudato Si ni Pope Francis ang kanyang mariing pagtutol sa mga gawaing sumisira sa kalikasan dahil ang mga mahihirap ang higit na naaapektuhan ng mga pagkasirang idinudulot nito sa kapaligiran.