351 total views
October 1, 2020-11:45am
Binigyang diin ng Military Ordinariate of the Philippines (MOR) na mahalaga ang spiritual nourishment lalo na sa gitna ng krisis na dulot ng COVID-19 pandemic sa bansa.
Ayon kay Military Bishop Oscar Jaime Florencio ang takot na dulot ng pandemya ay higit na kinakailangan ang pagpapatatag ng pananampalataya sa Panginoon na panghahawakan ng bawat isa.
“Paigtingin itong spiritual nourishment kasi ngayon sa tingin natin, tingin ko din na para bang kulang ang mga sagot as to for example itong pandemyang ito wala tayong sagot pero may kasagutan diyan, ang kasagutan diyan ay paigtingin ang ating pananampalataya that means to grow spiritually,” ang bahagi ng mensahe ni Bishop Florencio sa Radio Veritas.
Pagbabahagi ng Obispo, batid ng mga chaplains mula sa iba’t ibang sangay ng military diocese ang kahalagahan na maibahagi ang spiritual nourishment sa mga kasapi ng sundalo at pulis.
Paliwanag ni Bishop Florencio bahagi ng pangunahing tungkulin at misyon ng mga Pari bilang lingkod ng Panginoon ang pagkakaloob ng mga sakramento ng Simbahan at pagkakaroon ng malalim na pananampalataya lalo na sa gitna ng kawalan ng katiyakan at mga hamon sa buhay.
“Palagi kong sinasabi na we always have to inject, we always have to give an importance dito sa spiritual nourishment kasi tayo as chaplains, tayo ang makapagbibigay [ng spiritual guidance] walang iba na magbibigay, tayo ay hinirang upang magbigay ng gabay sa mga tao, magbigay ng mga sakramentong ito, so this are the main sources of our nourishment walang iba.” Dagdag pa ni Bishop Florencio.
Saklaw ng Military Ordinariate of the Philippines (MOP) ang pangangasiwa sa paggabay sa buhay espiritwal ng men and women in uniform mula sa Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management & Penology (BJMP) at Veterans Memorial Medical Center (VMMC).